Kinakamusta na 'ko ng unang sinag ng araw...Alas singko y'medya na sa orasan ko, heto't dilat pa rin. Wala akong bagong kwento o anumang ideya na naisip pagbulayan, basta't gising lang, walang magawa. Hinahayaan ang mga daliri na maglaro sa keyboard na kaharap ko. Nakakatawang isipin na ilang buwan makaraan, ni wala akong panahon alagaan ang sarili ko...hindi sa sinasabing naaalagaan ko nga ang sarili ko ng wasto. Ngayon, ilang araw na lang, balik-aral na naman. Pilit na haharapin ang mga nilalang na may dikit na ngiti sa king mukha. Kakaway sa lihim mong kinaaasaran, makikipagusap sa mga taong alam mong napaka-labnaw ng utak.
Ako, plastik?
Lahat tayo plastik.O, ayoko namang mapuno ng galit 'to, sinasabi ko lang ang totoo. Malamang mabasa ko 'to bukas at burahin na naman. Parang nakakailang kasing basahin ang pagsambulat ng baho ng sarili... pero sabagay, ikaw, kayo, nangangamoy din.
Pero baho nga ba o pagkatao?Bawat isa may taglay na sama sa buto't balat, kasama yan sa pagiging tao. Nasa sa iyo na iyon kung magaling kang magtimpi o gaya ko e tinotopak kaya nakakapagsulat/nakapagsasabi tungkol dito paminsan-minsan. Kung pipiliin natin ipakita ang tunay nating saloobin bawat segundo natin dito sa mundo, wala na siguro tayong tinatayuan. Hindi ito pamamlastik sa kanyang
absolute form.
Humans are innately evil, pero nandiyan ang so-called tamang pagiisip, moralidad, respeto at kung anu-ano pang naging topic na sa Oprah para hilain at bigyang kontrol ang lubid na nakatali sa halimaw na nasa kalooban mo. May sama sa loob ng primitibong tao pero dapat at kaya mong magpakatao, para maging ganap na tao.
Ganap? Paano? Siguro kapag meron nang bumubulong sa iyo, si konsensiya ata yun. Siguro kapag alam mong pigilan ang salita mo para maiwasang magalusan ang iba; pigilan ang mga bisig mo bago pa bumalik sa'yo ang sampal na tatama sa kaibuturan ng damdamin mo. Compassion 'ika nga. Magpakatao, at magpakatotoo...hindi lang sa mga mahal mo. Hindi maiiwasan, minsan magkakaroon ng butas sa trapal na banat ng kabutihan at pagpapakatotoo mo. Tatawagin kang impokrito, at gaya ng nasabi e plastik. Pero normal lang na minsan magkabutas 'to, imbes na gatungan mo o matahin, tumulong ka na lang kaya sa paghawak sa isang dulo? At ako naman ang hahawak ng kabilang dulo nung iyo.
O ayan, gawa tayo tent. Hahahaha, sinira ko na naman ang sarili kong litanya.
May mali ba sa mga sinabi ko? Oo?
......Pasensiya, Tao lang po.