Naakatakot. Yung mga dating malinaw, lumalabo. Pati sarili lumalabo. Ganoon ba talaga kapag inamag na ng panahon ang mga layunin mo sa buhay? Noong una parang napakaideyal nang lahat, maaari pa ngang kahangaan kung tutuusin--ang ipaglaban ang gusto kesa sa kung anong naidiktang "dapat". Pero kapag pala mabato yung tinatahak mong daan patungo sa "gusto", mas lumiliwanag kung ano yung dapat. Lalo pa kung yung masukal na lugar na tinatahak mo e isang malawak na kapatagan. Hindi eskinitang iisa ang hitsura ng dulo. Wala ngang dulo e. Nasa utak mo lang ang dulo at para itong lumang litrato. Lumalabo sa tagal ng panahon, lumalabo habang nagagasgas ng mga tao at pagkakataong hindi umaayon sa iyo. Ang nakakakatawa lang, lumabo man yung litrato ng "gusto" na nasa utak ko, hindi ko siya malimot. Lumalabo oo, pero pag nakapikit na yung mga mata ko at madilim na ag lahat, kapag tahimik na...parang may mga pinturang biglang lilitaw, maghahalo ang iba't-ibang kulay, gagawa ng mga linya. Isang linya sa bawat paghinga ko, isang linya sa bawat pintig ng puso. Tapos isang segundo, isang segundo lang, makikita ko ulit yung litrato ng malinaw. At ang isang segundong iyon ang nagtutulak saking tumayo ulit, at maglakas-loob na maglakad sa masukal na kapatagan. HIndi pa rin alam kung nasaan ba yung dulong hinahabol ko, basta igagalaw na lang ang mga binti. Bahala na kung nasaan siya, basta gusto ko, mararating ko. Alam ko mararating ko.
Sana hindi mawala yung litrato.