Para sa iyo na nagsabing ako na, kung magawa mong makawala sa nakaraan.
Nakakainis. Nakakairita. Nung malaman kong may nararamdaman ka rin para sa kanya, tumulo na lang bigla yung mga luha. Di ko napigilan kahit di ko maintindihan. O kaya nga siguro di ko napigilan dahil di ko naintindihan. Hindi ko pa rin maintindihan. Siguro tama ang sabi sakin, inangkin kasi kita. Ayos lang naman na di ka mapasakin eh, wag ka lang mapasaiba. Kaso ayan na nga. Nagulat din ako sa reaksiyon ko, siguro malaki talaga yung puwang na kilalagyan mo sa puso ko para masaktan ng ganito nang matauhan akong wala ka na. Ayoko na tong nararamdaman ko. Sabi nila di ka mananalo kung di ka tataya, di ka rin matatalo. Pero bakit parang talo ako? Pakiramdam ko lumaban naman ako eh, pinasuko mo lang ako. O sige, payag ako. Ikaw na yung nagsabi eh. Kaso may iba pa palang kalaro. Ang nakakatawa, gusto kitang maging masaya. Gusto ko ngang lumaya ka eh. Pero hindi sa ganitong paraan. Hindi sa kanya. Hindi ko alam kung nadadala ka lang o gusto ko lang isipin na ganun nga ang nangyayari. Ano pa man, apektado ako. Maniwala ka man o hindi, ayoko na apektado ako. Bumababa ang tingin ko sa sarili ko na nasasaktan ako. Parang ang babaw kasi, tapos malalim pala. Nagitla ako. Parang biglang ibinagsak mula sa mataas na tore na hindi ko man lang alam na nasa tuktok na pala ako at ganoon kalalim ang babagsakan. Sana maging masaya ka. Sana maging masaya na rin ako. O kung hindi man, sana maging manhid na lang sa iyo. Mali, sa inyo. Pait, nakakadiri. Ayoko na.
Mula sa akin, ako na wala pala sa iyong kinabukasan kahit nakalaya ka na sa nakaraan.